COVID-19 patient Survivor, P1.3 milyon ang Hospital Bill at Sinagot ng Philhealth!

0
839
Juliet Alunan

Ngayong nakatatawa na ulit siya, hindi mo aakalaing nalagay sa panganib ang buhay ni Juliet Alunan, na na-discharge sa ospital kamakailan matapos makipaglaban sa bagong coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Alunan, isinugod siya noong Marso sa emergency room ng isang ospital matapos makaranas ng lagnat, ubo, at hirap sa paghinga sa loob nang 8 araw.

“‘Yong difficulty of breathing talaga, that’s the time na parang mapupugto ‘yong hininga ko kapag uubo na ako ta’s sabay na hirap na akong huminga,” ani Alunan sa panayam ng ABS-CBN News.

Lumala ang kondisyon ni Alunan, na kinailangang i-intubate o lagyan ng tubo sa bibig para lang makahinga.

Apat na araw na-intubate si Alunan bunsod ng COVID-19. Retrato mula kay Alunan

Nasa isip na lang daw ni Alunan noong mga panahong iyon ang kaniyang asawa at 3 anak, lalo at ang pangalawa niyang anak ay isang child with different needs.

“Nagdasal na lang ako, alam ko na puwede ako mamatay anytime. Alam ko na kapag in-intubate ka, nasa bingit ka ng kamatayan,” aniya.

Bumuti ang lagay ni Alunan matapos ang 4 na araw, pero ikinagulat naman niya ang mataas na singil para sa gamutan ng COVID-19, na umabot sa P1.3 milyon.

Suwerte na lang daw at sinagot ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang gastusin.

“Talagang mahirap kapag wala kang pera sa ganitong sitwasyon, although alam naman natin na mayroon tayo na blessing kasi nakahabol pa ako sa benefits ng Philhealth,” ani Alunan.

Kahit naka-discharge na sa ospital, naka-quarantine pa rin sa loob ng isang kuwarto sa kanilang bahay si Alunan.

Dalawang linggo pa muna ang kaniyang hihintayin bago magawa ang kaniyang pinangarap mula sa ospital: ang mayakap ulit ang kaniyang pamilya.

— Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Facebook Comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here